Saturday, September 13, 2008

Nanlalagkit sa Inggit

Nagsumikap magtrabaho si Mama at Papa para mapag-aral ako sa isang pribadong paaralan. Dahil nabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho ang tatay ko sa bansa ng mga kangaroo, naging madali ang pag-abot sa kanilang hangarin na mabigyan ako ng magandang edukasyon. Ang nanay ko ay masipag na nagtatrabaho sa isang Real Estate Co. sa Manila. Payak lang ang buhay namin. Pinilit i-budget ni Mama kung magkano man ang pera namin. Masaya ako dahil makakapag-aral na ako sa wakas. Hindi ko alam na dito ko unang mararamdaman ang tinatawag na self-pity.

Ito ang mga naging problema sa paaralan na puro shala-shalahan ang tao at may manaka-naka pang artistang estudyante.

Taong 1992-1998.

  1. Ang baon ko ay nag-umpisa sa P10, yung mga kaklase ko mga P30-50. Lagi ko tuloy kinakain noon ay siopao. Nakakahiya nga kasi wala akong pambiling french fries. Nakikihingi tuloy ako palagi. Shet, purita.

  2. Tuwing pumupunta ako sa bahay ng mga kaklase ko, naglalaway ako sa dami ng laruan nila. Ang bilang ng Barbie na napasakamay sa akin ay tatlo. Lahat sila napugot pa ang ulo. At hindi ko sila magawang bigyan ng “change-outfit-moment”, ang mahal kasi. Ang polly pocket ko isa lang. Pero meron akong lutu-lutuan na hinulma gamit ang clay, galing pa sa Isabela. Wala sila nun.

  3. Wala kaming sasakyan. Hindi naman sana problema ang pag-commute. Kaso ang hirap sumakay ng jeep dahil meron pang dalawang paaralan na malapit sa eskwelahan ko. Punuan tuloy lagi. Hindi naman kami pwedeng sumabit ng sundo ko. Ang ending, naglalakad kami pauwi. Tapos, de-padyak na lang papunta sa looban. Ang itim ko tuloy nun, yucky. Ang puputi pa naman ng mga kaklase ko.

  4. Antenna lang ang nakakabit sa t.v. namin. Hindi tuloy ako maka sabay sa mga usapan kapag ang mga binabanggit na nila ay Johnny Bravo, Dexter's Laboratory, mga palabas sa HBO, Discovery Channel ,Cinema One at yung videoke kung saan nagmula ang MYX.

  5. Hindi ko naranasan magkaroon ng pager. Alam ko, hindi ko naman talga ito kailangan. Pero outcast ako pag nagtanungan na ng, “Neng, can I have your pager no.?” Hindi masidhi ang sakit na naramdaman ko dito dahil pinagbabawal naman dalhin ang pager sa school. Sa tingin niyo, pinamigay ko ba ang no. ng imaginary pager ko?

  6. Ang amoy. Ang babango nila. Hindi naman sa mabaho ako ah. Minsan tinanong ko yung kaklase ko kung ano ang pabango niya: “Ito, GAP na color purple”. Tumango-tango lang ako. Ang akin kasi ay Johnson & Johnson's Baby Cologne: Morning Dew Scent.

  7. Tamagotchi. Pati mga lalake kong kaklase meron nito. Nakikitingin lang ako at minsan nakikialaga. Sabi ng nanay ko, hindi daw ako makakapag-aral mabuti pag binigyan niya ako nun.

  8. Wala kaming sariling landline. Nakikigamit lang kami sa aming land lady sa halagang P2/ limang minuto. Kapag gusto makipag tsismisan ng mga kaklase ko naririnig muna nila ang malakas na sigaw na “Neneng, kaklase mo... telepono”. Nasa second floor pa kasi yung landlady, tapos sa terrace siya sisisgaw kaya rinig ng mga kapitbahay. Pinagagalitan pa nga ako minsan ng nanay ko kasi tawag ng tawag mga kaklase ko.


Lahat ng pinagmumulan ng inggit ko ay mga luho. When I was a kid it was difficult for me to ignore the fact that some kids get to have everything they want and I dont. Naging mahirap sa aking labanan ang inggit. Pero, gumawa pa rin ako ng paraan. Anong meron ako? Mga kwento ng laro namin sa kalsada. Mga kaibigan ko sa bahay ay nag-aaral sa public school. Dahil kapos sa pera, napaka resourceful ng mga kaibigan ko. Lahat na ata ng larong kalye nagawa na namin. Yan naman ang panlaban ko nung elementary. Bata pa lang ako, natuto na ako kung paano ba mag entertain ng tao sa pamamagitan ng pagkukwento. Ano ang batayan na nag-eenjoy ang aking audience? Tumatawa sila. Idaan mo lang dun, cool ka na! Yeah!